-- Advertisements --

Pumalo na sa 160 ang bilang ng mga nasawi sa flash flood sa Afghanistan ngayong linggo.

Ayon sa Ministry for Disaster Management, 13 lalawigan ang apektado ng mga pagbaha kung saan may ilang mga kabahayan din ang tinangay ng rumaragasang tubig.

Sa Parwan, probinsya sa hilaga ng kabisera ng bansa na Kabul, sinabi ng mga lokal na opisyal na pumalo na sa 116 katao ang namatay, mahigit 120 ang sugatan, at 15 ang mga nawawala.

“Rescue teams are still in the area and searching for the missing bodies,” wika ni Wahida Shahkar, tagapagsalita ng gobernador ng Parwan.

Nitong Miyerkules nang manalasa sa Parwan ang flash flood, dahilan para anurin ang mga kabahayan at ilang mga gusali.

Sinabi naman ni local police spokesman Salim Noori na pawang mga magsasaka at informal workers ang naninirahan sa mga komunidad na nasa pinakaapektadong areas.

Umaapela rin ang opisyal ng blood donations para sa mga sugatan.

Tiniyak naman ng Ministry of Defense na umaalalay ang Afghan security forces sa recovery efforts at pamamahagi ng tulong. (Al Jazeera)