-- Advertisements --

Umabot na sa 71 ang bilang ng mga batang nasawi habang nasa mahigit 100 naman ang nasugatan sa Ukraine simula nang salakayin ito ng Russia noong Pebrero 24.

Inihayag ito ng isang Ukrainian parliament official na si Lyudmyla Denisova kasunod ng ginawang pambobomba umano ng Russia sa isang children’s hospital sa Mariopol City sa Ukraine kung saan tatlo katao ang napatay kabilang na ang isang batang babae.

Sa isang statement ay ibinahagi ng Ukrainian official ang ilan sa mga nabiktima ng kaguluhan ngayon sa kanilang bansa.

Aniya, limang indibidwal kabilang na ang tatlong bata ang nasawi nang mawasak ang pitong bahay sa lungsod ng Malyn sa nasabing bansa, nang dahil sa air strike.

Kabilang din sa mga binawian ng buhay ang dalawang babae at dalawang bata nang tamaan ng shell ang tahanan ng mga ito sa Slobozhanske City, habang mapalad naman na nakaligtas dito ang isang limang taong gulang na batang babae.

Sa Irpin, isang lungsod na hindi kalayuan sa kabisera ng Kyiv, isang sampung taong gulang na batang babae ang malubha namang nasugatan at kasalukuyang nakikipaglaban ngayon para sa kanyang buhay.