Naibalik na ang normal na supply ng kuryente sa lahat ng mga apektadong transmission lines na unang nasira dahil sa pananalasa ng Super typhoon Egay.
Batay sa ulat ng National Grid Corporation of the Philippines, naging matagumpay ang clearing at restoration effort ng mga linemen nito, sa likod ng nagpapatuloy na pag-ulan sa ilang mga apektadong lugar.
Dahil dito, balik na sa normal ang operasyon ang mga nasirang transmission lines sa mga probinsya ng Benguet, Aurora, Nueva Ecija, Cagayan, Ilocos Sur, at maging sa La Union.
Maalalang una nang naitala ng power grid ang sampung transmission lines na naapektuhan sa nakalipas na supertyphoon mula sa naunang nabanggit na mga probinsya.
Nagdulot ito ng pagkawala ng supply ng kuryente sa libo-libong mga kabahayan sa Northern Luzon, kung saan ang ilan sa mga ito ay inabot rin ng mahigit pa sa 20 oras na walang kuryente.