Hinikayat ngayon ng pamunuan ng Cebu Pacific Air ang mga natanggal nilang empleyado noong kasagsagan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic na muling mag-apply sa airline company.
Ayon kay Felix Lopez, vice president ng People & Admin at Cebu Pacific, puwede na raw mag-apply ang mga dating cabin crew habang patuloy ang paghahanda ng airline sa recovery.
Inaasahan na raw kasing tataas na rin ang travel demand habang unti-unting binubuksan ang ekonomiya at bumabawi na rin ang sektor ng turismo.
Dahil dito, pinapataas na raw ng airline company ang kanilang network na nagbibigay ng pagkakataon para sa airline na kumuha ng karagdagang cabin crew.
Kasunod na rin ito nang pagluluwag sa mga domestic travel at mas maraming destinasyon na ang muling magbubukas.
Patuloy na rin daw ang pagtaas ng bilang ng mga fully vaccinated at ang pagbaba ng mga bagong kaso ng covid kaya naman asahan na raw ang pagpapagaan sa mga quarantine restrictions sa bansa.
Sa ngayon, nakamit na rin daw ang 100 percent vaccination rate para sa active flying crew nito sa pamamagitan ng sarili nitong employee vaccination program o ang JG Summit Covid Protect.
Kasama na rin daw dito ang partnership nila sa iba’t ibang mga local government units (LGUs) sa bansa.