-- Advertisements --

Sinimulan na ng ilang mga national boxers ng bansa ang kanilang ensayo para sa iba’t-ibang torneo ngayong taon.

Sinabi ni Association of Boxing Alliances in the Philippines secretary-general Marcus Manalo, nanguna sa nasabing training camp nila sa Baguio City ang 32-anyos na si Nesthy Petecio.

Susunod naman sa ilang araw sina Carlo Paalam na mayroong tinatapos na personal na lakad habang si Aira Villegas ay nasa military duties pa.

Hinihintay pa nila ang desisyon nila Hergie Bacyadan at Eumir Marcial kung sasama sila sa training camp.

Ilan sa mga target nilang masalihan ay ang torneo sa Korea na gaganpin sa buwan ng Abril, World Championship sa Liverpool sa buwan ng Setyembre, World Cup sa buwan ng Nobyembre na gaganapin ito sa New Delhi, India at ang Southeast Asian Games sa Thailand na gaganapin sa buwan ng Disyembre.