![pamilya ng mga nawawalang sabungero](https://xrc.bomboradyo.com/newscenter/2022/12/pamilya-ng-mga-nawawalang-sabungero.jpg)
Naniniwala ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero na maituturing ang mga ito bilang mga bayani sa Pilipinas.
Ipinahayag ito ng ilang kaanak ng mga nawawalang biktima kasunod ng ginanap na pakikipagdayalogo ng pulisya sa kanila hinggil sa naturang kaso.
Ayon kay Charlene Lasco, kapatid ni Ricardo Lasco, isang master agent ng e-sabong na dinukot mismo sa kanilang tahanan sa Laguna, hindi lamang ang kanilang pamilya kundi pati na rin ang buong bansa ang apektado sa pagkawala ng mga biktima.
Kung hindi kasi aniya dahil sa pagkawala ng mga ito ay hindi pa mapapatigil ang operasyon ng e-sabong sa Pilipinas, at hanggang sa ngayon aniya ay mas maraming mga Pilipinong malululong pa sa sugal na ito.
Aniya, bagama’t halos magdadalawang taon na ang nakakalipas ay patuloy pa rin ang kanilang pag-asa at layuning makamit ang hustisya para sa kanilang mga nawawalang kaanak ngunit kahit papaano ay naghahanda na raw sila sa anumang posibleng matuklasan ng mga otoridad sa kalagayan at estado ng nasabing mga biktima.
“Maituturing natin bayani itong 35 [mga nawawalang sabungero] na ito kasi dahil sa kanila napatigil itong online sabong… kung hindi, marami pang nalululong ngayon [online sabong].” ani Lasco.
Kung maaalala, kamakailan lang ay nagkaroon muli ng panibagong development ang pulisya hinggil sa naturang kaso na nagresulta naman sa pagkakasibak ng limang pulis na umano’y dawit sa pagkawala ng isa sa mga biktimang may kaugnayan sa e-sabong.