-- Advertisements --

Inaasahang dadaluhan ng mga sikat na NBA star ang magiging FIBA Draw o bunutan bukas, Abril 29.

Batay sa kumpirmasyon ng FIBA, kabilang sa mga masisilayan ng maraming filipino fans ay ang ilang mga NBA Champion at HAll of Famer na kinabibilangan nina Dirk Nowitzki, Luis Scola, at Yao Ming. Ang mga nasabing NBA players ay nauna nang dumating sa bansa, ilang araw bago pa man ang draw.

Si Nowitzki ay isang Dallas Legend na naging NBA Champion noong 2011. Kabilang din ito sa NBA Hall of Fame. Si Scola naman ay isang Basketball Legend sa NBA at Argentina, na naging istrumento upang maiuwi ng nasabing bansa ang 2004 Olympic gold medal.

Si Yao Ming ay isang Chinese Basketball Legend na naglaro din sa NBA kung saan ito napabilang sa Hall of Fame.

Maliban sa kanila, inaasahan ding dadalo ang ilang mga Filipino celebrities at ilang Filipino Basketball legend, na sasama sa nasabing draw.

Samantala ang FIBA Draw ay ang sistema na itinalaga o binuo ng FIBA kung saan matutukoy kung saang kategorya maihahanay ang bawat bansa na kwalipikado para sa FIBA 2023. Dito ay matutukoy kung sino-sino ang mga magkakalabang team.

Gaganapin ang nasabing draw bukas, araw ng Sabado sa Smart Araneta Coliseum.