-- Advertisements --

Pinadalhan na umano ng memo ng pamunuan ng NBA ang bawat koponan upang paalalahanan na maaaring magkaroon ng mga laro na walang fans dahil sa outbreak ng coronavirus disease sa Amerika.

Batay sa report, nakasaad din sa memo na dapat ay magkaroon umano ng plano ang mga koponan sakaling hindi maiwasan na maglaro na puro mga importanteng staff lamang ang naroon.

Ibig sabihin daw nito, pagbabawalan sa mga laro ang mga tagahanga, maging ang mga miyembro ng media.

Nagpadala na rin ang NBA sa mga teams ng mga paalala tungkol sa umiiral na panuntunan ng liga kaugnay sa pagpapaliban at pagkakansela sa mga laro.

Kamakailan nang payuhan ng NBA ang mga players na iwasan muna ang pakikisalamuha sa mga fans dahil pa rin COVID-19.

“The health and safety of our employees, teams, players and fans is paramount,” saad sa pahayag ng NBA.

“We are coordinating with our teams and consulting with the CDC and infectious disease specialists on the coronavirus and continue to monitor the situation closely.”