KALIBO, Aklan—Umaapela ang mga negosyante ng shellfish sa tatlong bayan sa Aklan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na pabilisan ang muling pagsasagawa ng testing upang matukoy kung positibo pa sa paralytic shellfish poison o red tide toxin ang mga baybayin na sakop ng Batan, Aklan at Batan Bay.
Kasunod ito sa ipinalabas kamakailan lamang na Shellfish Bulletin 20 ng BFAR kung saan, pitong lugar sa Western Visayas ang nagpositibo sa shellfish toxin.
Ayon sa negosyanteng si Shella Aguirre, umaasa sila na inanod ang red tide sa mga baybayin sa ilang araw na pagbuhos ng malalakas na ulan sa lalawigan.
Dahil aniya sa patuloy na kaso ng red tide toxin, apektado na ang kanilang negosyo na dinadayo ng mga turista mula pa sa Metro Manila at kalapit na mga probinsiya dahil sa mataba at malasang shellfish gaya ng talaba o oyster, tahong at maraming iba pa.
Dagdag pa ni Aguirre na halos 80% ng kanilang income ang nawala na posibleng magreresulta sa kanilang pagkalugi kung tatagal pa ang nasabing insidente.
Nabatid na ilang mga talabahan sa bayan ng New Washington ang nasara dahil sa kawalan ng kita.
Nauna nang inihayag ng BFAR na muli silang kukuha ng water samples mula sa nasabing mga baybayin sa Setyembre 18 para sa re-test.