KALIBO, Aklan — Pinangangambahang marami pang negosyo ang magsasara sa isla ng Boracay dahil sa mga ipinapatupad na lockdown o community quarantine dala ng COVID-19 pandemic.
Sa panayam ng Bombo Radyo Kalibo, sinabi ni Edwin Raymundo, presidente ng Boracay Foundation Incorporated (BFI), grupo ng mga negosyante sa isla na halos 100 porsiyento nang lugi ang kanilang negosyo.
Katulad aniya ng kanyang hotel at restaurant na pansamantalang isinara dahil apektado ng ipinatupad na surgical lockdown sa Barangay Manocmanoc dahil sa tumaas na kaso ng deadly virus.
Nauna dito, dismayado rin umano ang karamihan sa mga negosyante at manggagawa nang muling magpatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at karatig na lalawigan isang linggo bago ang Semana Santa.
Inaasahang makakabawi na sana sila dito dahil sa tumaas na bilang ng mga nagpa-book na turista na pawang taga NCR.
Karamihan umano sa kanila ay hindi pa alam kung kailan makakabalik dahil sa malaking pagkalugi.