-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Umaapela ngayon ang mga negosyante sa Department of Tourism (DOT) na pag-aralan na ang dagdag na carrying capacity sa Boracay kasunod ng mga infrastructure improvements na ginawa ng gobyerno sa isla.

Sa sulat na ipinadala ng Philippine Chamber of Commerce and Industry-Boracay (PCCI-Boracay) kay Tourism Secretary Bernadette Romulo Puyat at regional director for Western Visayas Cristine Mansiñares, sinabi ng mga ito na kailangang ikonsidera ng Boracay Inter Agency Task Force na maaari na ring dagdagan ang bilang ng mga turista na tatanggapin sa isla dahil sa improvements na ginawa dito.

Mula nang binuksan muli ang Boracay noong October 25, 2018 at sa mga kasalukuyang taon, mas pang lumapad at lumuwang aniya ang mga kalsada, at inayos ang sewerage system gayundin ang water quality ng dagat.

Ang mga hotels at iba pang establisyimento ay nakagawa na rin ng sariling sewerage treatment plants habang ang mga gusali ay naka-comply sa naging mandato ng task force kaya nababagay na rin umano na dagdagan ang bilang ng mga bakasyunista na puwedeng tumawid sa isla.

Dapat aniya na ikonsidera ang mga bagay na ito para unti-unting mabuhay ang turismo sa probinsya na nalugmok ng husto dahil sa nagdaan na pandemya.

Maalala na binatikos ng DOT ang lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan dahil sa hindi nabantayan ng mga ito ang pagpasok ng mga turista noong holiday break kung saan, umabot ng higit sa 22,000 ang mga turistang pumasok sa Boracay sa kabila ng itinakdang carrying capacity na hanggang 19,215 lamang.