-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Isang linggo matapos ang ginawang pagsalakay, natukoy na ng National Bureau of Investigation (NBI)-Isabela ang mga totoong may-ari ng isang cyber porn hub sa Santiago City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Timoteo Rejano ng NBI-Isabela, sinabi niya na ang mga totoong may-ari sa ILINK BPO Center na kalaunan ay napag-alamang cybersex facility ay mga nagngangalang Wilbert Tolentino, Warley Garcia, Jun Bryan Gorez, Allan at Mark Santos, pawang mga negosyante mula sa Nueva Ecija.

Ayon kay Provincial Director Rejano, ang pangalan ng kompanya nila ay Warlink Network Group at ang pinakamalaki nilang branch ay nasa San Jose City sa Nueva Ecija.

Sa ngayon ay inihahanda na ang kasong paglabag sa Anti-Human Trafficking Law at CyberCrime Prevention Act of 2012 sa mga nabanggit na negosyante gayundin sa kanilang Isabela operations manager na si Leonard Llena.

Sinampahan na rin ng kaso sa Prosecutor’s Office sa Santiago City ang local manager ng pasilidad na sina Reynaldo Ilarde at Human Resources Officer na si Susana Navarete.

Ayon kay Provincial Director Rejano, dahil matibay ang mga nakuhang ebidensiya ay nagpasya ang inquest prosecutor na hindi magrekomenda ng piyansa para pansamantalang makalaya ang mga akusado.

Handa naman aniya ang operations manager at HR officer na tumestigo laban sa mga tunay na may-ari ng cyber porn hub kaya posibleng mapagaan ang kanilang kaso.

Sa mga nakumpiska nilang computer ay magsisilbi muna sila ng search warrant para mabuksan at mapag-aralan nila ang mga ito para maiprisinta sa korte bilang ebidensiya.

Isa rin sa kanilang aalamin ay ang tunay na edad ng mga na-rescue nilang nagtatrabaho sa lugar dahil noong una ay sinasabi nilang sila ay menor de edad sila subalit kalaunan ay binawi nila ang naging pahayag.

Pinayuhan ni Rejano ang pamahalaang lungsod ng Santiago na bago magbigay ng permit ay aalamin muna ang totoong negosyo.

Dapat din aniyang magsagawa ng pagsusuri ang Business Permit and Licensing Division ng pamahalaang lungsod.