Maaari umanong maglabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng isang executive order (EO) para sa pagbibigay ng insentibo sa mga negosyo sa labas ng Metro Manila.
Kasunod ito ng pag-apruba ng gabinete sa mosyon para paboran ang naturang panukala.
Magugunitang sa Cabinet meeting nitong Lunes ng gabi, inirekomenda ng Cabinet Cluster on Climate Change, Adaptation, Mitigation and Disaster Risk Reduction ang incentives bilang paraan para maluwagan o mabawasan ang populasyon sa Metro Manila.
Ito ay bilang paghahanda na sa posibilidad ng pinangangambahang “The Big One” o ang magnitude 7.2 na lindol na maaaring tumama sa Metro Manila.
Hindi naman idinetalye ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang kaugnay sa incentives pero nakikita raw itong isang solusyon para mahikayat ang ibang lumipat sa labas ng rehiyon.
Maliban sa insentibo, inirekomenda rin ng ilang Cabinet members ang pagtatatag ng Department of Resiliency at ang pagpapasumite sa lahat ng ahensya ng public service continuity plans bilang paghahanda sa “The Big One.”