Inilabas na ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino ang listahan ng mga nominado para sa 44th Gawad Urian Awards at nanguna ang pelikulang “Midnight in a Perfect World” ni Dodo Dayao na may siyam na nominasyon, kabilang ang Best Director at Best Film.
Kabilang rin sa mga kinilala sa kategoryang Best Film ang “Watch List” (Ben Rekhi), “Aswang” (Alyx Arumpac), “Hayop Ka” (Avid Liongoren), “Kintsugi” (Lawrence Fajardo), “Lahi, Hayop” (Lav Diaz), at “A Thousand Cuts” (Ramona S. Diaz).
Nominado bilang Best Actress sina Jasmine Curtis-Smith (Alter Me), Glaiza de Castro (Midnight in a Perfect World), Alessandra de Rossi (Watch List), Charlie Dizon (Fan Girl), Shaina Magdayao (Tagpuan), Bela Padilla (On Vodka, Beers, and Regrets), Lovi Poe (Malaya), Sue Ramizez (Finding Agnes), at Christine Reyes (Untrue).
Para sa katergorya ng Best Actor naman ay muling nominado si Elijah Canlas (He who is without sin) na inuwi ang nasabing parangal noong nakaraang taon. Kasama niya sa listahan sina Enchong Dee (Alter Me), Noel Escondo (Memories of Forgetting), Keann Johnson (The Boy Foretold By The Stars), Nanding Josef (Lahi, Hayop), Adrian Lindayag (The Boy Foretold By The Stars), Zanjoe Marudo (Malaya) at JC Santos (On Vodka, Beers, and Regrets).
Sa una ng naging exclusive interview ng Star FM Baguio sa aktres na si Jasmine Curtis-Smith na bida sa “Midnight in a Perfect World”, at ngayo’y nominado bilang Best Actress para sa “Alter Me”, ibinahagi nitong masaya sila dahil kahit may pandemya ay nabigyan pa rin sila ng pagkakataong makapagtrabaho at makagawa ng mga pelikula at thankful din ito sa lahat ng tumatangkilik sa industriya.
“To all the supporters of the film industry, thank you very much. It is only through your support that the industry can evolve and become better. We can learn and make the right improvement and cater to you better. Thank you very much to everyone,” saad ni Smith.
Gaganapin ang 44th Gawad Urian Awards Night sa October 6, 2021.