-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Libu-libong non-certified products na nasamsam sa mga operasyon ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela ang sinira aw sa lungsod ng Ilagan.

Sa talaan ng DTI Isabela ay umabot 3,466 na non-certified products ang nasamsam ng enforcement unit mula sa ilang bahay kalakal sa mga lungsod at bayan sa Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Elmer Agorto, enforcement officer ng DTI Isabela, sinabi niya na karamihan sa mga ito ang iba’t ibang brands ng mga lighter na aabot sa 1,495, isang brand ng electrical tape na may kabuang bilang ng 988, mga extension wire na umabot sa 383 , apat na brand ng christmas lights 133 at iba pang mga non-certified products.

Sa kabuuan ay umabot sa higit P85,000 ang halaga ng mga non-certified products na manu-manong sinira ng DTI Isabela.

Isinakay ang mga ito sa garbage truck at itinapon sa landfill sa Sta. Catalina, lungsod ng Ilagan.

Bago sinira ang mga lighter ay inilubog muna sa tubig upang matiyak na hindi sasabog.

Ayon kay Ginoong Agorto, bago sinira ang mga nasamsam na produkto ay tiniyak nilang may paglabag ang mga establisiyimento na nagbebenta sa mga ito.

Ilan sa kanilang mga paglabag ay ang kawalan ng sertipikasyon mula sa DTI.