Nagdesisyon ang mga organizers ng 2020 Tokyo Olympics na huwag munang palahukin sa isa sa mga nalalapit nang test event ang mga atletang hindi Hapon dahil pa rin sa isyu ng coronavirus disease (COVID-19).
Magbubukas na kasi sa Pebrero 28 ang dalawang araw na test event sa Ariake Arena kung saan tampok ang Paralympic sport na boccia na isang uri ng precision ball sport.
Ito ang una sa 19 pang mga test events bago ang pagsisimula ng Olympics sa Hulyo 24.
Ayon kay Tokyo spokesman Masa Takaya, tuloy na tuloy pa rin ang iba pang mga test events kahit na magpapatupad sila ng iba pang mga pagbabago.
“We still don’t which athletes are competing,” wika ni Takaya. “When it”s the most appropriate time, we will release the participants information.”
Una nang nanidigan ang International Olympic Committee at mga local organizers na walang balak na ipagpaliban o ikansela ang Olympiyada, na huling nangyari noong panahon pa ng digmaan.