-- Advertisements --
nurses

Kinukuha ng mga European countries ang mga nursing students mula sa Pilipinas para tugunan ang malaking pangangailangan para sa mga health care workers.

Sinabi ni Vilma Garcia, De La Salle University Medical Center employees’ union president, ang United Kingdom at Germany ay aktibong nagre-recruit at nag-aalok ng mga “attractive packages” sa mga Filipino nursing students.

Inaalok ang mga 2nd year nursing students na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kanilang bansa kung saan tutugunan nila ang tuition at lodging.

Kapag sila ay nagpa-practice na, maaari na nilang isama ang kanilang pamilya.

Aniya, ito ay isang malaking alok at hindi kayang pantayan ng bansa.

Ayon sa kanya, mula noong 2022, ang mga foreign countries ay direktang nakikipag-ugnayan sa school administration sa pangangalap ng mga mag-aaral ng nursing.

Tinataya ni Garcia na humigit-kumulang one fourth sa kanilang mga nursing students ang tumanggap ng alok.

Bahagi ng kontrata, aniya, ay ang nursing student ay kailangang magtrabaho sa host country pagkatapos ng graduation.

Hindi naman pinipigilan ng mga school administration ang mga mag-aaral ng nursing at hinahayaan silang magdesisyon kung tatanggapin nila ang alok mula sa ibang mga bansa.

Ngunit nagpahayag siya ng pangamba na ang patuloy na pagre-recruit ng mga Filipino nursing students ay lalong magpapalala sa umiiral na kakulangan ng manpower sa mga pribadong ospital sa bansa.

Napag-alaman na marami sa mga nars ang nagpasyang magbitiw dahil sa mababang suweldo at overworked.

Ang mga pribadong ospital ay maaari lamang magbayad ng entry-level na suweldo mula P12,500 hanggang P16,000 bawat buwan.