Kinontra ng maraming mga obispo ng simbahang katolika ang planong pagpapaliban ng May 2022 general elections dahil umano sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Balanga Bishop Ruperto Santos, na hindi lamang labag sa konstitusyon ay napipigil ang karapatan ng mamamayan na mamili ng lider na mamumuno sa bansa.
Tanggap na rin aniya ng mga tao ang pananatili ng COVID-19 at nakahanda na rin aniya nilang ipatupad ang health protocols.
Nanawagan din si retired Sorsogon Bishop Arturo Bastes na dapat sumunod ang mga mambabatas sa nakasaad sa konstitusyon.
Wala namang nakikitang basehan sina Bishop emeritus ng Novaliches Teodoro Bacani kung bakit isusulong ang pagpaliban ng halalan.
Pinayuhan naman ni Manila apostolic administrator Bishop Broderick Pabillo ang Commission on Election o Comelec na dapat humanap ng paraan para matuloy at hindi na maipagpaliban ang halalan.
Magugunitang inalmahan ng marami ang pahayag ni Pampanga 2nd district Rep. Mikey Arroyo sa pagpaliban ng halalan dahil sa COVID-19 kung saan kinontra ito ng Malakanyang.