Nakahinto pa rin ang pagpayag sa mga Overseas Filipino Workers na makabalik upang magtrabahong muli sa Gaza ayon sa Department of Migrant Workers.
Ito ay kahit pa mayroon ng naiulat na pagpapatupad ng ceasefire sa pagitan ng Israel at Hamas nitong nakaraan lamang.
Ayon sa secretary ng Department of Migrant Workers na si Atty. Hans Leo Cacdac, kasalukuyang naka-alert level 4 ang Gaza kaya ang mga OFW ay hindi muna pahihintulutang makapunta o makabalik roon.
Dagdag pa niya, ang pagkakaroon ng tigil putukan ay makabubuti hindi lamang sa mundo kundi pati na rin para sa mga Overseas Filipino Workers ng bansa.
“Sa ngayon alert level 4 ang nakapataw sa Gaza, so hindi pwede pumunta sa Gaza ang OfW”, ani Atty. Hans Leo Cacdac, secretary ng Department of Migrant Workers.
Hinggil naman sa usapin kung mayroon pang natirang pilipinong nagtatrabaho o naiwan, tiniyak ng naturang kalihim na matagal ng na-repatriate ang mga kababayang naipit roon.
Samantala, sinabi din ni Secretary Hans Leo Cacdac na patuloy ang kanilang pag-momonitor sa mga kaganapan sapagkat wala pa rin umanong kasiguraduhan ang sitwasyon duon.
Kaugnay pa rito, ibinahagi naman ng naturang kalihim na mas mababa ang alert level sa Israel kumpara sa Gaza.
Nasa alert level 2 lamang kasi duon kaya naman ipinahayag niya na maari ng makabalik ang mga pilipinong manggagawa sa Israel.
Ngunit nilinaw ni Secretary Cacdac ng Department of Migrant Workers na ang papayagan lamang pumunta ay yung mga dati ng nakapagtrabaho roon.
Ibig sabihin nito ay bawal ang mga newly hired na Overseas Filipino Workers.