Nanawagan si Migrant Workers Secretary Hans Cacdac sa mga Overseas Filipino workers (OFWs) na magparehistro na para sa nalalapit na 2025 Midterm Elections.
Ginawa ni Cacdac ang apela kasunod ng papalapit na pagtatapos ng voter registration sa Setyembre-30.
Umapela rin si Overseas Workers Welfare Administration chief Arnell Ignacio sa mga overseas Filipinos na tunguhin na ang pinakamalapit na registration center sa kanilang tinitirhan upang mabigyan ng pagkakataong makibahagi sa 2025 elections.
Ayon naman kay Commission on Elections Chairman George Erwin Garcia, may kabuuang 15 million Filipino na naninirahan sa abroad ngunit tanging 1.6 million lamang ang sa ngayon ay nakapagrehistro na.
Aniya, sa ilalim ng 2025 Midterm Elections, gagamitin sa unang pagkakataon ang internet voting sa karamihan sa mga bansa kung saan mayroong mga Pinoy worker. May ilang mga bansa lamang aniya na hindi pinayagan ang online voting dahil sa security reasons tulad ng China, Timor Leste, Papua New Guinea, Myanmar, Russia, Nigeria, Syria, etc.
Una na ring iginiit ng komisyon na hindi na nito palalawigin ang registration period na magtatapos na sa Setyembre-30