NAGA CITY – Tila malabo pa rin ang tiyansa na makaboto ngayong papalapit na halalan ang mga OFWs sa Afghanistan.
Mababatid na pinag-iisipan na ng Commission on Elections (Comelec) kung ipapasuspinde ang overseas absentee voting o magdedeklara ng “failure of elections” sa Afghanistan at Ukraine.
Sa ulat ni Joel Tungal, OFW sa Afghanistan, sinabi nito na sa kabila ng pagsisimula na overseas absentee voting, sa ngayon walang pa ring koordinasyon ang Philippine Embassy sa Pakistan sa magiging halalan sa lugar.
Ani Tungal, ilang taon na silang hindi binibisita ng embahada o kahit man lang alamin ang kanilang kalagayan ay hindi aniya ng mga ito magawa.
Sinabi ni Tungal na kahit noong nakaraang election hindi na ito nakapagboto.
Kaugnay nito, nanawagan si Tungal kay DFA Secretary Teodoro Locsin Jr. na muling bisitahin ang nasabing embahada at alamin ang nagiging patakaran nito sa kanilang hurisdiksyon.
Ipinunto nito na sa kabila ng maliit na populasyon ng mga OFW sa nasabing bansa, kailangan pa rin aniya silang pansinin ng gobyerno.
Sa datos ng Comelec, mayroong 1,697,090 registered Filipino voters overseas, kasali na ang 27 OFWs sa Afghanistan at 15 sa Ukraine.