-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nangangamba ang mga Overseas Filipino Worker sa Hong Kong na lumala at mas maging agresibo pa ang mga nagsasagawa ng kilos-protesta sa mga susunod na araw at linggo.

Sa report ni Bombo International Correspondent Rose Galinato Alcid, presidente ng OFW North Alliance sa Hong Kong, sinabi nito na sa pagdaan ng mga araw ay mas nagiging malala ang mga nangyayaring kilos-protesta sa iba’t ibang bahagi ng nasabing bansa.

Ayon kay Alcid, halos isang linggo na umanong walang dumadaan na sasakyan malapit sa Hong Kong University na siyang kinaroroonan ng mga protesters.

Aniya, makikita umano sa nasabing lugar ang bakas ng marahas at agresibong kilos – protesta ng mga tao dahil sa mga nakakalat na basag na bahagi ng traffic light, mga natanggal na bricks sa kalsada, mga nasirang barikada at ilang bahagi ng train station.

Aminado umano ang Hong Kong government na hindi pa nila alam king kailangan titigil ang mga nagaganap na kilos protesta dahil sa ngayon ay hindi nila napapaalis sa puwesto ang kanilang lider na si Carrie Lam.

Sa kabila nito, nasa maayos naman umano kalagayan ang mga OFW sa nasabing bansa ngunit kailangan lamang nilang sundin ang mga paalala ng konsulada ng bansa sa Hong Kong na iwasan munang magtungo sa mga lugar kung saan ang mga nagpoprotesta upang masigurado ang kanilang seguridad.