KORONADAL CITY – Nababahala sa ngayon ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa bansang Kuwait sa panibagong kaso ng pagpatay sa isang Pinay sa nabanggit na bansa.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Susan Dubria na tubong South Cotabato, nagdudulot ng takot ngayon sa kapareho niyang OFW ang nangyari sa 35-anyos na si Jullebee Ranara na natagpuang sunog sa isang disyerto sa nabanggit na bansa.
Ang masakit pa umano rito ay parang pinalalabas na si Ranara ang may sala dahil tumakas ito sa kanyang employer.
Dagdag pa ni Dubria, kahit naaresto na at nasa kustodiya na ng pulisya ang 17-anyos na suspek sa pagpatay sa Pinay ay lumalabas na kinakampihan pa ito.
Aminado si Dubria na maraming mga Pinay na kagaya niya ang may mabubuting employer ngunit napakarami pa rin umano na nagtitiis na lamang sa pang-aabuso ng kanilang mga amo.
Kung matatandaan si Ranara ay natagpuang halos kalansay na dahil sa sinunog ang katawan nito habang lumabas din sa imbestigasyon na dumaan ang biktima sa torture at pang-gagahasa kung saan buntis din ito kaya umano pinatay ng anak ng kanyang employer.
Sa ngayon, nakatakdang iuwi sa bansa ang bangkay ng biktima at umaasa naman ang mga kaibigan nito sa Kuwait na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nito.