-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Ibinunyag ng isang domestic helper (DH) sa Kuwait na mistulang auction o subasta ang ginagawa ng ilang Kuwaiti employers upang piliin ang mga mangangasiwa sa kani-kanilang bahay.

Kaugnay nito, inilarawan ni Susan Dubria, Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait, na parang “ukay-ukay” na negosyo ang tingin ng mga Kuwaiti employers sa kanila bilang mga DH.

Kuwento ni Dubria sa Bombo Radyo Koronadal, umalis siya sa kaniyang amo at inakala niyang ibabalik sa kaniyang pinanggalingang ahensiya ngunit binili siya ng 800 Kuwaiti Dinar (KD) sa ahensiya.

Kinabahan aniya siya nang binili siya ng mga employer na hindi niya kilala dahil wala na siyang ahensiyang babalikan at malabo na ang pag-asang maililigtas siya.

Kaya nang bumalik ito sa kaniyang ahensiya, mayroon namang kumuha sa kaniya at binili siya ng 800 KD.

Minsan na rin daw siyang pinaratangan ng kaniyang amo nang nawala umano ang duplicate ng susi na hawak ng isa sa kaniyang anak, kaya sinagot niya ang kaniyang amo at hindi nagpadaig.

Kaya payo nito sa mga may nais mag-abroad na dapat malakas ang loob nila at maging matapang kung kinakailangan upang hindi sila maabuso.