Tiniyak ng Labor Minister ng Saudi Arabia kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magkakaroon ng insurance system para sa mga Overseas Filipino Workers na nagtatrabaho sa Saudi Arabia.
Ito ay kasunod ng nangyaring bilateral meeting ng Punong Ehekutibo kay Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman sa sidelines ng APEC Summit sa Bangkok, Thailand.
Ayon kay Pangulong Marcos, tiniyak sa kanya ng pamahalaang Saudi Arabia na hindi na mauulit pang hindi maibigay ang claim ng mga manggagawang Pinoy nang dahil sa pagsasara ng kanilang kumpanyang pinagta-trabahuhan
matapos na magdeklara ng bankruptcy.
Sakali man aniyang malugi ang employer ng isang Pinoy sa Saudi, insurance ang magbabayad ayon sa Pangulo para makuha ang sahod na hindi naibigay sa kababayan nating OFW.
Sa gitna nito’y kinikilala ni Pangulong Marcos ang ganitong hakbang ng pamahalaang Saudi Arabia na aniyay malaking tulong sa mga manggagawang Pinoy na nagtatrabaho sa naturang bansa sa Gitnang Silangan.
Una dito ay nagpahayag ang Saudi Arabian government na babayaran ang mga naapektuhang OFW ng bankruptcy ng kanilang construction company mula noong 2015.