LEGAZPI CITY- Umaasa ang maraming mga Overseas Filipino Workers (OFW) na personal na maipapaabot kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanilang mga hinaing sa nakatakdang pagbisita nito sa Singapore.
Ayon kay Fe Valencia Toledo, Bombo International News Correspondent sa Singapore, sa Lunes Setyembre 6, pupunta sa bansa ang pangulo para sa isang official visit.
Personal itong makikipag-usap kay Singaporean president Halimah Yacob at sa iba pang mga opisyal ng bansa.
Matapos ito ay nakatakda naman na humarap ang pangulo sa mga OFW sa National University of Singapore kung saan inaasahang kukumustahin nito ang kalagayan ng mga kababayang nagtatrabaho sa bansa.
Ngayon pa lamang ay marami ng mga Filipino ang nagpaalam na hindi na muna papasok ng kanilang trabaho upang makadalo sa aktibidad kasama ang pangulo.