-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nababahala na ang mga Overseas Filipino Worker sa kanilang kalagayan sa Sudan, ito ay sa gitna ng nagpapatuloy parin na bakbakan ng militar at paramilitar sa Khartoum, Sudan.

Ayon kay Bombo International Correspondent na si Jumar Camanzo Gingo, paubos na ang kanilang pagkain at talamak narin ang nakawan sa mga malalaking tindahan dahil sa gutom. Aniya may ibang residential building din ang niluluoban na.

Kung kaya’t nanawagan ito sa pamahalaan na kung maaari ay ma-rescue sila sa mas madaling panahon.

Bagama’t pinaghahanda na sila ng embahada ng Cairo para sa evacuation at emergency repatriation pero hindi pa umano ito segurado sapagkat walang madaan dahil sa matinding bakbakan.

Apektado ng nasabing gyera ang supply ng tubig at kuryente sa lugar, hindi rin aniya basta sila makalabas at makapag evacuate dahil posible silang matamaan ng ligaw na bala.

Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 200 ang patay habang isang pinoy at isang half pinoy-Sudanese naman ang sugatan at nagpapagaling sa pagamutan.

Nagsimula ang hidwaan sa pagitan ng gobyerno at ng mga rebelde dahil sa pagmamatigas ng humahaliling si Heneral Mohamed Hamdan Dagalo, ang pinuno ng paramilitary Rapid Support Forces, na umalis sa puwesto sa kabila ng kahilingan ng heneral ng hukbong Sudanese na si Heneral Abdel Fattah al-Burhan kasunod ng extension na ibinigay ni Dagalo.