-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY- Nanggagalaiti sa galit ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Sudan dahil hanggang sa ngayon hindi pa rin sila naililikas.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Gensan kay Mario Lumigpit, Bombo International Correspondent sa Sudan at ibang pang mga OFW, na mga Pinoy na lamang ang naiwan sa naturang bansa at ang ibang nationality ang nailikas ng kanilang gobyerno.

Napag-alaman na sumakay kahapon ang isa pang batch ng mga Pinoy na kinomisyon na bus sa isang kumpanya para maihatid sila sa Port of Sudan papuntang Saudi Arabia.

Ayon pa kay Lumigpit na sariling sikap ang kanilang ginagawa para makaalis sa Sudan dahil ilang ulit na silang nanawagan sa gobyerno pero wala pa ring tulong na nakakarating.

Anya, karamihan sa kanila ang walang pasaporte at iba pang dokumento dahil kinuha ng kanilang mga employer.

Isa lang si Lumigpit sa mga sinagip ng ibang Pinoy na may employer na kasalukuyan ay nag-aantay pa rin na mailikas.

Maaalalang nawasak ang airport sa Sudan at kailangan pa nilang bumiyahe ng sampung oras papuntang Egypt o di kaya’y bibiyahe sa pamamagitan ng pagsakay sa military vessel sa pantalan ng Sudan papuntang Jeddah.