-- Advertisements --
ILOILO CITY – Nagbabala ang Philippine Embassy sa Thailand sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na umiwas sa pagsali sa mga pag-aaklas laban kay Prime Minister Prayut Chan-o-cha.
Ayon kay Bombo International Correspondent Rinse Galupo, halos 95 percent ng mga estudyante sa bansang Thailand ang nangunguna sa protesta upang mapatalsik sa pwesto ang dating army chief na namuno sa kudeta noong 2014 at umupo sa puwesto noong nakaraang taon.
Ani Galupo, ang pag-aaklas ay nagaganap lang sa Bangkok na siyang kabisera ng Thailand at tahimik naman ang sitwasyon sa mga lalawigan.
Nagbabala rin aniya ang embahada sa mga Pinoy na iwasan ang pagsuot ng itim na damit upang hindi mapagkamalang mga raliyista.