LAOAG CITY – Apektado ng matinding pag-ulan at pagbaha ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa bansang Israel dahil sa malamig na panahon.
Ito ang kinumpirma ni Elvie Selario Aviador, tubong Koronadal City at OFW sa Israel sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Laoag.
Aniya, apektado ang mga Pilipino sa Tel Aviv na nakakaranas ng malalang pagbaha dahil sa walang humpay na malakas na pag-ulan sa mga nakalipas na araw.
Ayon kay Aviador, umabot pa sa dalawang araw na hindi tumitigil ang pag-ulan dahilan na nakaranas sila ng pagbaha.
Dagdag ng Pinay worker, hindi naman sila gaanong apektado ng matinding pagbaha ngunit nakaranas ng ulan sa lugar nila sa Ness Ziona, Israel.
Samantala, inihayag ni Aviador na naglabas ng abiso si Prime Minister Benjamin Netanyahu na kung sakaling mangangailangan ang Estados Unidos ng tulong laban sa Iran ay nakahandang tumulong ang kanilang bansa.
Una nang sinabi ng OFW na hindi sila pababayaan ng Israel kahit anuman ang mangyari.