-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na papayagan pa ring makauwi sa bansa ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa mga bansang tinamaan ng bagong strain ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa isang press briefing, sinabi ni DOLE Sec. Silvestre Bello III na ito raw ang naging pasya ng Pangulong Rodrigo Duterte nang irekomenda sa kanya ang travel ban.

Gayunman, sinabi ng kalihim na sasailalim pa rin ang mga returning OFWs sa 14-day mandatory quarantine kahit na nagnegatibo sila sa COVID-19.

Ayon pa kay Bello, nasa 60,000 hanggang 100,000 OFWs pa ang inaasahan nilang uuwi ng bansa.

“Our president said, ‘Our OFWs should be allowed to return’,” wika ni Bello.

Matatandaang pinalawig ng gobyerno ang travel ban sa 20 bansa kaugnay sa banta ng bagong COVID-19 variant na natuklasan sa United Kingdom.

Hindi papayagang makapasok sa bansa ang lahat ng mga pasahero galing United Kingdom, Switzerland, Denmark, Hong Kong, Ireland, Japan, Australia, South Africa, Israel, Netherlands, Canada, France, South Korea, Singapore, Germany, Iceland, Italy, Spain, Lebanon, at Sweden.

Epektibo ang travel ban mula Disyembre 30 hanggang Enero 15, 2021.