BUTUAN CITY – Malaki ang pasasalamat ng mga overseas Filipino workers o OFWs sa Riyadh, Saudi Arabia sa Bombo Radyo matapos silang tawagan upang matulungan silang mapa-abot man lang kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang kanilang kalagayan ngayon na nasa shelter ng mga lalaki sa Philippine Overseas Labor Office o POLO ng Philippine Embassy.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Bombo international news correspondent Abdul Aziz-Buscaino mula sa Riyadh na posibleng hindi umano alam ni Pangulong Bongbong Marcos ang kanilang kalagayan at karapatan nila sa naturang bansa kungsaan kahit tapos na ang kanilang kontrata ay hindi sila pinapalipat sa ibang kompanya.
Nais umano nilang matututukan ito ng pamahalaan dahil kahit tapos na ang kanilang kontrata ay kailangan pa nilang magpunta ng Ministry of Labor upang mag-request ng transfer.
Kailangan umanong malaman ng pangulo ang kanilang kalagayan lalo na’t marami na sa kanila ang nagkakasakit at matatanda na, na nangangailan na ng medical check-up.
Ang pagkakalagay nila sa shelter ay dahil sa pag-aantay kung kailan nila matatanggap ang matagal na nilang gustong makuhang claim mula sa Kingdom of Saudi Arabia matapos na hindi pinapasahod ng kanilang mga employers pati na ang retirement benefits.