-- Advertisements --

Pinaalalahan ng Department of Migrant Workers ang mga Overseas Filipino Workers na maghinay-hinay sa kanilang mga desisyon kasunod ng bantang hindi pagpapadala ng pera ng ilan sa kanila.

Sa isang isinapublikong pahayag ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, nanawagan siya ng kahinahunan sa mga Pilipinong manggagawa na posibleng makibahagi sa ganitong gawain.

Mayroon kasing banta ngayon mula sa mga OFWs abroad na ‘zero-remmitance’ o hindi pagpapadala ng pera sa kanilang mga pamilya na nasa bansa bilang pagpapakita ng suporta kay Former President Duterte na kasalukuyang nakadetena sa The Hague Netherlands.

Kung saan ibinahagi ng naturang secretary ng kagawaran na batid niya ang magiging epekto nito lalo na sa mga mahal nila sa buhay na kanila naming pinadadalhan.

Naranasan din aniya kasi maging anak ng isang OFW at nasaksihan kung papaano ang dinaranas na pagod ng kanyang mga magulang makapagbigay lamang ng pera para sa kanyang pag-aaral at mga kapatid.

Gayunpaman, sa kabila ng mga isyung kinakaharap ng bansa, sineguro ng Department of Migrant Workers ang patuloy nitong pagbibigay serbisyo, programa at tulong para sa mga kababayang nagtatrabaho sa ibang bansa.