-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Hindi na pinapayagan ng kanilang mga employer ang mga overseas Filipino worker (OFW) na lumabas upang mag-day off.

Ito ay sa gitna na rin ng pinangangambahang pagkalat ng novel coronavirus.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Elena Jermice, tubong Laguna at vlogger sa Hong Kong, pinapakiusapan ng kanilang mga employer ang mga OFW na iwasan munang mamasyal o lumabas kapag kanilang day-off.

Habang ilan ding manggagawang Pinoy ang nagrereklamo dahil isinasama sila ng kanilang mga employer kapag nagtutungo o nagbabakasyon sa China kung saan nagmula ang nasabing virus.

Samantala, inihayag pa ni Jermice na nagkakaubusan na ng stock ng matataas na uri ng face mask at alcohol na ginagamit bilang disinfectant.

Sinabi pa ni Jermice na bukod sa nagkukulang ang stock ng face mask at alcohol ay nagmahal na rin ang presyo.