CAUAYAN CITY- Naging mahirap ang pagkuha ng appointment para sa pag-renew ng pasaporte ng mga Overseas Filipino Workers sa Italy.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni G. Roderick Ople, presidente ng OFW Watch Italy na nagrerenew sila ng pasaporte sa Philippine Consulate General Office sa Milan at sa Philippine Embassy sa Rome, Italy .
Dahil sa krisis sa kalusugan na dulot ng COVID-19 pandemic ay marami ang nagsamantala sa mga OFW na nagpapabayad ng 40 Euro hanggang 60 Euro para makakuha lamang ng appointment.
Ayon kay G. Ople, noong Setyembre 2021 ay pumasok ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng kontrata sa private sector para mapabilis ang renewal ng pasaporte ng mga OFW.
Ang contractor ay ang BLS na nakabase sa Dubai at pag-aari ng isang Indian.
Gayunman, nagrereklamo ang mga OFW sa Italy sa mahal na bayad ng pasaporte.
Ang bayad aniya sa Italy ay 54 Euro habang sa Pilipinas ay Php900.00 hanggang Php1,200.00 kung nais na mabilis ang pagproseso nito.
Kung papasok sila sa e-passport renewal center ay magbabayad sila ng revolving fee na 4.50 Euro, convenience fee na 35 Euro.
Magbabayad din sila ng shipping fee na 40 Euro gusto nilang ipadala sa kanilang bahay ang pasaporte bukod pa sa xerox fee na 1 Euro at ang SMS ay 2 Euro.
Kung matanda at hindi alam ang pagsusumite ng mga dokumento ay magbabayad ng 10 Euro at kung hindi alam kung paano makipag-appointment gamit ang internet ay 20 Euro.
Iginiit ni Ginoong Ople na dagdag na pasanin ng mga OFW ang 200% na pagtaas ng kanilang gastusin sa pagrenew ng pasaporte.
Malaking suliranin aniya ito ng mga OFW dahil marami sa kanila ang hindi nakakabayad ng upa sa bahay at insurance ng sasakyan dahil sa epekto ng pandemya.
Lumiit na rin ang ipinapadala nilang pera sa kanilang pamilya sa Pilipinas.
Ito ang pagunahing dahilan ng pagtutol ng mga OFW sa pribadong renewal center na magpapabilis sa renewal ng kanilang pasaporte
Iginiit aniya ng Philippine Embassy na optional lamang ito ngunit nais nila ay mabilis na proseso kaya mas pipiliin nila ang renewal center kahit mataas ang gastusin lalo na kung uuwi na sila sa Pilipinas.
Ang isa pa nilang ikinababahala ay ang identity theft dahil sa pribadong service provider g nagpoproseso ng pasaporte na dapat ay ginagawa ng pamahalaan para mapangalagaan ang kanilang identity.
Sinabi ni Ginoong Ople na isang OFW sa Italya ang dalawang taon na hindi nakauwi dahil natuklasan na ginagamit ng isang Pilipina sa ibang bansa ang kanyang pangalan, address , birthday at passport number.
Nalutas ito nang pakiusapan nila ang consul general na gumawa ng hakbang.
Kinuwestiyon ng mga OFW sa Italy ang batayan ng DFA sa pagkuha sa service provider gayong puwede namang magdagdag ng empleado ag embahada at konsulada ng Pilipinas sa Italy para mapabilis ang pagproseso ng mga pasaporte.
Bilang hakbang ng pagtutol ng mga OFWs sa Italy ay bumuoang mahigit isandaang oranisasyon ng mga OFWs ng alyansa na tinawag na UNFAIR o Ugnayan ng mga Nagkakaisang Pilipino para sa Adhikang Ipabasura ang Renewal Center.
Sa English ay tinawag itong United Filipinos Against Injustifiable Renewal Center.
Sa araw ng Huwebes sa Italya ay magsasagawa ang mga OFW’s ng kilos protesta sa harapan ng Philippine Embassy upang tutulan ang service provider at ang mataas na bayarin sa pagre-renew ng pasaporte.
Ayon kay Ginoong Ople, ang OFW Watch Italy ay magsasagawa rin ng online protest sa Linggo.
Sumulat na sila kay Kalihim Teodoro Locsin ng DFA para tutulan ang nasabing hakbang.
Nais din nilang sumulat sa Kamara at Senado para ipasiyasat kung magkano ang pond para sa foreign post at bakit nahaluan ng komersialisasyon ang serbisyo publiko na dapat ibinibigay ng pamahalaan at hindi ng pribadong entity.