DAGUPAN CITY – Nagkakaisang umapela ng tulong mula sa pamahalaan ng Pilipinas ang mga overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Poland.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lolita Valles, OFW sa Poland, marami silang mga Pinoy workers doon ang dalawang buwan nang walang trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Ang iba aniya ay naghihintay ng working permit para sa panibagong pag-apply ng trabaho.
Partikular umanong nagsara ang mga restaurant at factory kaya nawalan ng hanapbuhay ang maraming Pilipino.
Gayunman, wala pa rin silang balak umuwi ng bansa at hihintayin daw bumuti ang situwasyon sa nasabing bansa.
Ayon pa kay Valles, wala silang natatatanggap na tulong mula sa Pilipinas at wala ring organisasyon o grupong nagkakaloob sa kanila ng tulong gaya ng nangyayari sa ibang bansa.
Sa ngayon ay kanya-kanya sila at nagtitipid para may makain.
Hinihiling nila sa pamahalaan natin na tulongan sila doon at bigyan din sana ng ayuda ang kanilang pamilya na nasa bansa dahil hindi rin sila nakakapagpadala ng pera sa bansa.