-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nangangamba ngayon ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa South Korea dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID) 19 sa nasabing bansa.

Sa ulat ni Bombo International Correspondent Roel Toquero, sinabi niyang nangangamba silang mga Pinoy doon kahit wala pa sa kanila ang nahawaan ng virus.

Aniya, aabot na sa 204 ang kaso ng COVID 19 sa South Korea kung saan, dalawa na ang nasawi.

Ipinaliwanag niyang ang South Korea na ang pangatlong bansa na nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng COVID 19, kung saan, una sa listaan ang China na pinagmulan ng virus at pangalawa ang Japan na may mahigit sa 700 na kaso.

Dahil dito, sinabi niyang nagpapatuloy ang pagsunod ng mga OFWs sa payo ng mga awtoridad para makaiwas sa virus.

Aniya, hindi na sila lumalabas at nananatili na lamang sila sa lugar ng kanilang trabaho at sa kanilang tinutuluyan.

Idinagdag ni Toquero na pinangangambahan na lalo pang darami ang kaso ng COVID 19 pero umaaasa pa rin sila na huhupa ang sitwasyon doon.