-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Umaasa ang mga Overseas Filipino Workers na kasalukuyang nasa Israel na tuluyan nang matigil ang giyera sa pagitan ng Israeli military at mga rebeldeng Hamas ng Gaza Strip ngayong naisakatuparan na ang matagal nang sinubaybayang ceasefire deal sa pagitan ng dalawang panig.

Sa panayam nga Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Bombo international correspondent Marc Pleños, direkta mual sa Tel Aviv, Israel, na malaki ang kanyang paniniwala na darating ang panahon na magkakagulo na naman ang rehiyon dahil sa dami na nang pagkakataong sinira ng Hamas ang kanilang usapan sa pagitan ng Israel.

Pero sa ngayon, tanging dasal na lang aniya ang kanilang magagawa na hindi na ito uulitin pa ng Hamas.

Dagdag pa ni Pleños, walang dapat na ipag-alala ang kanilang mga pamilya dito sa Pilipinas sapagkat nananatili naman silang ligtas sa Israel dahil na rin sa advance military technology ng naturang bansa.

Matatandaang kahapon lang ay natuloy na rin sa wakas ang pagpapatupad ng ceasefire kung kaya’t nakauwi na ang mga Gazans sa kani-kanilang mga sirang tahanan, kahit na iilan na lang sa mga ito ang mapapakinabangan dahil sa mga bombang pinakawalan nga dalawang grupo.