Tiniyak ni PNP Chief, Gen. Guillermo Eleazar na lehitimo at may basehan ang mga ikinasang operasyon ng pulisya laban sa mga consultant ng National Democratic Front (NDF) at iba pang mga indibidwal na wanted sa batas.
Binatikos kasi ng makakaliwang grupo ang mga isinasagawang operasyon ng PNP laban sa kanilang mga miyembro at sa mga kritiko ng gubyerno na isang panggigipit matapos silan i-designate bilang isang terrorist organization ng Anti-Terrorism Council (ATC).
Binigyang linaw ni Eleazar na ang kanilang mga isinasagawang operasyon ay hindi panggigipit laban sa mga aktibista o sa mga kritiko ng administrasyon kundi duon sa mga indibidwal na wanted sa batas at mayruong warrant of arrests.
Sinabi ni PNP chief, hindi kailanman naging target ng mga pulis ang mga kritiko ng administrasyon dahil mataas ang respeto ng PNP sa mga karapatan sa malayang pananalita at pagpapahayag.
Itinanggi ni Eleazar ang alegasyon ng NDF na gawa-gawa lamang ang mga kasong isinampa laban sa mga naarestong consultant at iba pang personalidad na may kaugnayan sa CPP/NPA.
Giit nito na legitimate ang mga ikinasang mga operasyon ng PNP lalo na duon sa mga NDF consultants na may mga kinakaharap na kaso na pansamantala lamang pinalaya para makalahok sa usapang pangkapayapaan.