-- Advertisements --

Pinuna ni Sen. Risa Hontiveros ang mga opisyal at kawani ng gobyerno na maghinay-hinay sa pagpapakuha ng larawan kasama si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping.

Si Hontiveros ang chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, na siyang nag-iimbestiga sa mga usaping kinasasangkutan ni Guo.

Sa kaniyang social media account, hindi naitago ng mambabatas ang kaniyang pagkadismaya sa mga kumalat na larawan.

“PAALALA lalo na sa mga kawani ng gubyerno: Si Alice Guo ay pugante. May kasong human trafficking. Hindi po yan celebrity,” wika ni Hontiveros.

Ilan sa mga lumabas na larawan ay kasama ni Guo ang ilang Immigration operatives at ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) habang nasa Indonesia.

Mayroon ding larawan na kasama sina Philippine National Police Chief Rommel Marbil at Interior Secretary Benhur Abalos.

Wala pa naman tugon ang PNP at DILG sa nasabing pahayag ni Hontiveros.