Hinikayat ang Bureau of Corrections (BuCor) operating prison and penal farms (OPPFs) na pumasok sa mga pakikipagsapalaran sa negosyo sa pribadong sektor upang maging self-sustaining.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr, kung lahat nga mga operating prison and penal farms ay may income, maaaring hindi na humingi ang kawanihan ng budget sa gobyerno.
Aniya, ito ay hindi malabong mangyari dahil sa lawak ng lupain ng BuCor.
Aniya, ang mga operating prison and penal farms ng BuCor ay may kabuuang lupain na 48,783.31 ektarya na maaaring gawing agro at aqua-culture sites.
Gayundin ang economic zones na makakatulong sa bansa na makamit ang food security at economic development.
Binigyang-diin niya na sa mga operating prison and penal farms, ang Davao Prison and Penal Farm (DPPF) ay nakipagnegosyo sa Tagum Agricultural Development Company, Incorporated (TADECO), isang kumpanyang nakikibahagi sa produksyon at pag-export ng mga sariwang Cavendish na saging sa Japan, Korea, Middle East, Hong Kong, China, Russia, Malaysia, New Zealand at Singapore na may average na produksyon na 5,000 kahon kada ektarya bawat taon.
Aniya, kumikita rin ang BuCor sa pagitan ng P20 milyon hanggang P22 milyon kada buwan para sa pagpapaupa ng lupa nito kasama na ang garantisadong taunang bahagi ng produksyon kung saan nakatanim ang mga saging.