Maituturin umanong economic sabotage ang ginawa ng mga operators ng “rent-sangla” scam dahil sa bilyong pisong kinita ng mga ito sa kanilang mga biktima.
Ito ang sinabi ni PNP chief police Director General Ronald dela Rosa sa isinagawang presentasyon ng mahigit 100 na mga bagong sasakyang narekober ng PNP Highway Patrol Group (HPG) na tinangay ng sindikato mula sa kanilang mga unang biktima at sinangla naman sa ikalawang biktima.
Ayon kay Dela Rosa, matinik ang sindikatong ito dahil marami sa kanilang mga nabiktima ay mga pulis na isinugal ang kanilang mga ipon na pera sa car rental business.
Ayon Kay HPG director CSupt. Antonio Gardiola, mahigit 1,800 na sasakyan ang tinangay ng sindikato simula ng mag-operate ito noong 2007 at halos 900 sa mga ito ang narekober ng HPG at iba pang mga ahensya ng pamahalaan.
Large scale estafa ang ikakaso ng HPG sa mga lider ng sindikato na binubuo ng limang indibidwal na pinamununuan umano ng isang nagngangalang Rafaela Anunsiyasyon, na kasalukuyang pinaghahanap ng mga otoridad.