Bukas ang mga opisina ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) hanggang 5PM bukas, Dec 31, 2023.
Ito ay para sa mga tsuper at operator na nagnanais pang humabol na maging bahagi ng korporasyon o kooperatiba sa pamamagitan ng consolidation ng mga prangkisa.
Ayon kay Office of Transportation Cooperatives (OTC) chair Andy Ortega, bukas ang kanilang opisina at ang mga opisina ng LTFRB hanggang sa naturang oras upang bigyang daan o tanggapin ang mga nagnanais pang humabol sa consolidation.
Bukas din ang mga ito aniya na umasiste sa mga nais pang humabol.
Sa ilalim ng modernization program ng pamahalaan, hanggang bukas, Dec 31 na lamang ang deadline para ma-consolidate ang mga prangkisa ng mga pampublikong jeepney.
Ang mga hindi makapag-consolidate ay hindi na papayagan pang makapamasada maliban lamang sa mga ruta na kakaunti ang mga pampublikong sasakyan na nakapag-consolidate.
Sa ilalim ng mga naturang ruta, mabibigyan ng provisionary na prangkisa ang mga operators at tsuper ngunit hanggang Jan 31, 2024 lamang.