-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Nanawagan ang mga lokal na opisyal at residente ng bayan ng Malay at Isla ng Boracay kay Pangulong Ferdinad ‘Bongbong’ Marcos Jr., na amyendahan ang Presidential Proclamation No. 1064 series of 2006 ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Ang PP 1064 ay ang pag-klasipika sa Boracay bilang forestland (Protection Purposes) at Agricultural land (Alienable and Disposable) alinsunod sa Commonwealth Act 141 o ang Public Land Act at Section 13 ng Presidential Decree No. 705 o Forestry Reform Code of the Philippines.

Ang hakbang ay kasunod sa isyung kinakaharap ng mga katutubong Aeta sa isla matapos na pinapabawi ang ibinigay sa kanilang Certificate of Land Ownership Awards (CLOA).

May nagprotesta sa ipinamahaging CLOA ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Agrarian Reform (DAR) Region 6 na kinatigan naman ng nasabing ahensiya dahilan na namemeligro na namang mapalayas ang mga katutubo sa lupang tinataniman nila ngayon ng mga gulay at iba pang produkto na pinagkukunanan ng kanilang kabuhayan.

Ipinapakansela ng mga nagpo-protesta ang CLOA dahil hindi umano para sa agricultural purposes ang lupa.

Sa kabilang daku, nagpahayag ng pagsisisi si Malay Mayor Frolibar Bautista dahil sa pagbebenta noon ng kanyang mga magulang at ng iba pang mga katutubo sa Boracay ng kanilang lupa sa mga malalaking negosyante at land developers na siyang nagpapakasasa ngayon sa pag-unlad ng turismo sa Boracay.

Base sa proklamasyon ni dating Pangulong Arroyo, nasa 628.96 ektarya ng lupa ang agricultural land at ang natitirang 281.81 ektarya ang forest land na hindi maaring mapagtayuan ng anumang istraktura.