CENTRAL MINDANAO-Magkakasunod na nagsagawa ng courtesy call sa tanggapan ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista ang ilang mga matataas na opisyal mula sa Region 12.
Ito ay sina National Bureau of Investigation o NBI12 Regional Director Exzel A. Hernandez at Bureau of Fire Protection o BFP12 Regional Director Sr. Supt. Edwin Buencuchillo.
Kapwa nagbigay ng update kay Mayor Evangelista ang dalawang opisyal patungkol sa kanilang mga area of responsibility at sa mga kaganapan sa kanilang ahensiya.
Partikular namang pinag-usapan ng alkalde at ng dalawang RD ang mga lupa na ibibigay ng City Government of Kidapawan para mapagtayuan ng NBI at BFP ng kanilang gusali o tanggapan sa mismong lungsod.
Napag-alaman na abot sa 300 square meters na lote ang ibibigay ng city government sa NBI para sa pagtatayo ng bagong tanggapan nito sa bahagi ng Alim Street, Poblacion, Kidapawan City na katabi lamang ng DFA office habang ang loteng pagtatayuan ng BFP ng kanilang bagong gusali ay matatagpuan sa Barangay Magsaysay kung saan itatayo ang bagong City Hall at City Government Corporate Center.
Samantala, nagbigay din ng update kay Mayor Evangelista ang bagong talagang OIC ng PNP North Cotabato Provincial Crime Laboratory na si Police Major Norman C. Castro at Police Major Larry N. Villasor, Forensic Chemist. Kabilang din sa natalakay nila sa alkalde ay ang hangaring makapagtayo din ng mas malaking pasilidad sa lungsod.
Sa kabilang dako, nagagalak namang ibinalita nina Kidapawan City Schools Division Superintendent Nativididad Ocon at Asst SDS Meilrose B. Peralta kay Mayor Evangelista ang mga paghahanda na ginagawa ng kanilang hanay para sa pagbubukas ng klase sa Sep. 13, 2021.
Ayon kay Ocon, plantsado na ang kanilang Basic Education Learning Continuity Plan para sa School Year 2021-2022 at nakapaloob rito ang radio-based instruction kaya’t kanilang hiniling muli ang suporta ng City Government of Kidapawan sa implementasyon nito.
Tiniyak naman ni Mayor Evangelista ang buong suporta sa naturang mga opisyal lalo na sa pagpapatupad ng kanilang mga plano at programa upang magpapalakas pang lalo ang kanilang serbisyo sa mamamayan lalo na ngayong panahon ng pandemiya ng Covid-19.