Binigyang-diin ng National Police Commission (Napolcom) na wala umanong karapatang mamili ng kanilang mga chief of police (COP) ang mga local officials na nasa narco-list.
Ayon kay Napolcom Vice chairman Atty. Rogelio Casurao, suspendido ang police deputation ng lahat ng mga local chief executives na nasa drug watchlist kaya wala silang supervision at kontrol sa kanilang local police.
Sinabi ni Casurao na kung sino ang itatalagang COP ng PNP sa kanilang bayan o lungsod ay walang magagawa ang mga local officials na mga ito.
Ito ay kahit na ngayong Lunes ang simula ng panunungkulan ng lahat ng mga nanalo nitong 2019 election para sa susunod na tatlong taon.
Sa record ng Philippine Drug Enforcement Agency, 46 na mga opisyal ng gobyerno na nasa narco-list ang kumandidato nitong May 2019 Election at 25 sa kanila ang nanalo.