Hindi pa rin lusot sa kinakaharap na kaso ang apat na mga dating opisyal ng PNP Special Action Force (SAF) kahit pa ibinalik ang umano’y nawawalang pondo na nagkakahalaga ng P37 million.
Dalawang beses nagsauli ng pera ang dating budget at fiscal officer na si SSupt. Andre Dizon.
Una noong April 12 para sa P10 milyon at noong Lunes, April 16 naman isinauli ang nasa P27 milyon.
Ayon kay outgoing PNP chief PDGen. Ronald Dela Rosa, hindi pa rin abswelto sa kaso ang mga inakusahang opisyal.
Tiniyak naman nito na magpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa P59million peso subsistance allowance controversy na para sa mga SAF commando.
Ayon naman kay SAF director Noli Taliño, inamin sa kanya ni dating SAF director Benjamin Lusad na ginamit nila noon sa police operation ang pondo para sana sa allowance ng mga SAF troopers.
Nagkakahalaga ng P30 pesos kada araw o P900 pesos kada buwan ang additional subsistence allowance ng SAF troopers na hindi naibigay sa loob ng dalawang taon.