Hindi sang-ayon ang mga opisyal ng sundalo sa ginawa ni Vice President Sara Duterte na gamitin ang inilabas nilang sertipikasyon sa pag-liquidate ng P15 milyong halaga ng confidential funds ng Department of Education (DepEd) dahil hindi naman ito sa kanila napunta.
Kung alam lamang umano nina retired Maj. Gen. Adonis Bajao, Lt. Col. Carlos Sangdaan Jr., at Colonels Manaros Boransing at Magtangol Panopio na sa ganito gagamitin ang hininging sertipikasyon ay hindi sila magbibigay nito.
Ang apat ay tinanong ni Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong Huwebes kaugnay ng mga iregularidad sa paggamit ng pondo ni VP Duterte.
Humingi umano ng sertipikasyon ang DepEd sa AFP kaugnay ng isinagawang Youth Leadership Summits (YLS), isang regular na programa ng mga sundalo laban sa insurgency noong 2023. Ang AFP at mga lumahok na lokal na pamahalaan umano ang gumastos sa programa.
Pero ginamit umano ng DepEd ang mga sertipikasyon upang patunayan at bigyang katwiran ang paggastos ng P15 milyong confidential fund na inilista bilang bayad sa mga impormante.
Tinanong ni Flores si Boransing kung siya ba ay naglabas ng mga sertipikasyon kung alam niya kung saan ito gagamitin.
Sinabi pa ni Boransing na bahagi ng patakaran ng AFP ang hindi pagbibigay ng certifications sa mga event o gastos na walang direktang kinalaman ang militar.
Sinegundahan naman ni Panopio ang pahayag at sinabing, “If we are aware that it will be used to justify expenses we had no hand in, we would not issue the certification.
Gayundin ang tugon ni Sandangan, “I would not,” nang tanungin kung siya ba ay maglalabas ng sertipikasyon kung alam niya ang tunay na layunin nito.
Bago ito, tinanong ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang mga opisyal kung alam ba nila na ang kanilang mga sertipikasyon ay gagamitin upang bigyang-katwiran ang P15 milyong bayad ng DepEd sa mga impormante.
Itinanggi ng lahat ng apat na opisyal na alam nila na ang kanilang mga sertipikasyon ay gagamitin upang suportahan ang pahayag ng DepEd na gumagamit ito ng mga confidential funds para sa mga pabuya sa mga informant.
Idinagdag ni Luistro na ang mga sertipikasyon, na layuning kumpirmahin lamang ang pakikilahok ng militar sa YLS, ay ginamit nang walang kaalaman ng AFP upang bigyang-katwiran ang gastos ng DepEd.
Nilinaw ng mga opisyal ng militar na ang kanilang mga sertipikasyon ay para lamang sa mga aktibidad ng YLS, at hindi upang bigyang pahintulot ang anumang financial transaction na may kaugnayan sa mga impormante.