CEBU CITY – Ipinatawag ng Cebu City Police Office ang lahat ng mga fraternities at sororities sa lungsod ng Cebu matapos na sumuko ang apat na mga suspek sa hazing incident na ikinamatay ng isang estudyante.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Police Colonel Ireneo Dalogdog, ang director ng Cebu City Police Office, nakiusap sila sa nasabing mga grupo na suportahan ang pulisya laban sa mga insidente ng hazing.
Aniya, nagpapasalamat naman ito na maganda naman ang naging resulta sa kanilang pakikipag-usap sa mga nasabing grupo.
Habang, ipinaalam naman ni Police Colonel Dalogdog na posible silang ipapatawag sa Senate Blue Ribbon Committee dahil na rin sa nasabing insidente at posible rin diumano na kasama sa ipapatawag ang mga opisyal ng Tau Gamma Phi fraternity sa isang Cebu-based university.
Kung maalala, araw ng Miyerkules, Marso 8 ng gabi, sumuko ang apat na mga suspek sa pagkamatay ni Ronnel Baguio, isang marine engineering student, matapos sa isinagawang hazing noong Disyembre 10, 2022.