-- Advertisements --

CEBU CITY — Nagpaabot ng kanya-kanyang pakikiramay ang mga key officials sa Cebu kasabay ng pagpanaw ng dating alkalde ng Cordova, Cebu at secretary ng Presidential Legislative Liason Office na si Adelino “Addy” Sitoy.

Isa sa mga ito ay si Cebu City Mayor Edgardo Labella kung saan isa sa mga huling pinag-usapan ay ang pagpapatayo ng Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX).

Napag-alamang si Mayor Addy ang nangunguna sa nasabing infrastructure project upang maidugtong ang mainland Cebu island at ang bayan ng Cordova.

Nalungkot, aniya, si Labella sa biglang pagpanaw ni Sitoy ngayong binasbasan ni Cebu Archbishop Jose Palma ang nasabing tulay.

Nagbigay-pugay naman si Lapu-Lapu City Rep. Paz Radaza sa pagiging kampeon ni Mayor Addy bilang isang lider sa loob ng ilang taon sa bayan ng Cordova.

Malaki naman ang pasasalamat ni Mandaue City Mayor Jonas Cortes sa nasabing alkalde bilang inspirasyon sa pagpapaunlad sa lungsod bilang isang lone district.

Ayon sa pamilya na pumanaw si Mayor Addy kagabi sa edad na 85-anyos nang dahil umano sa cardiac arrest.

Hinintay ngayon ng pamilyang Sitoy ang resulta ng RT-PCR test bago pa ito i-cremate.

Bukod sa pagiging abugado, pulitiko, at presidential appointee, isa sa mga adbokasiya ni Mayor Addy Sitoy ay ang pagpapayabong sa wika at panitikang Cebuano.